
Kinabukasan matapos ang paggunita ng taumbayan sa pagpaslang sa 13 magsasaka sa Mendiola noong Enero 22, 1987, sinunog ang kabahayan ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo kahapon, Enero 23.
Ang Hacienda Yulo ay isang 7,100 ektaryang tubuhan sa Laguna. Tinipak-tipak ang Hacienda Yulo at ibinenta ang mga bahagi nito sa Ayala Land, Eton Properties ni Lucio Tan, sa mga Lopez, at iba pa. Mula pa noong 2010, walang habas ang pandarahas ng mga armadong pwersa ng Ayala Land sa mga magsasaka sa Hacienda Yulo upang sila ay mapalayas sa lupang pinaplanong i-debelop. Nitong buwan din ng Enero bago ang panununog, giniba at pinaputukan ng mga bayarang armadong pwersa ang ilang bahay ng mga magsasaka rito.
Noong 2020, sa kasagsagan ng kahirapang dala ng hindi maayos na pagtugon ng gobyerno sa pandemya, hindi tumigil sa paninindak ang mga armadong guwardiya na nanunutok ng kanilang mga baril sa kababaihang magsasakang dumedepensa sa kanilang komunidad. Sa kabila ng pagbubungkal at pagpapagal ng ilang henerasyon ng magsasaka sa Hacienda Yulo ay hindi ito naisama sa mga ipinamahaging lupa sa ilalim ng mga repormang agraryo ng gobyerno dahil sa makapangyarihang impluwensya ng pamilya Yulo.
Nakikiisa ang Gantala Press sa pagdepensa ng mga magsasaka ng Hacienda Yulo sa kanilang lupa at komunidad laban sa Ayala Land. Mariin naming kinukundena ang paninira sa kabuhayan at tirahan ng mga magsasaka at kawalan ng tugon mula sa gobyerno. Makatwiran ang pagtindig ng mga magsasaka. Hindi makatarungan ang pang-aagaw ng Ayala Land ng lupang ikinabubuhay ng mga magsasaka upang tayuan ng mararangyang subdivision na iilan lamang ang makikinabang.
Kasama ang mga magsasaka ng Hacienda Yulo sa mga naglakbay mula Timog Katagalugan papuntang Maynila nitong Enero 20 upang ibunyag ang kanilang kalagayan, kabilang ang karahasang kanilang nararanasan mula sa mga pulis at militar sa pangunguna ni Lt. Gen. Antonio Parlade ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command. Labinlima ang pinatay na magsasaka sa Timog Katagalugan simula noong 2016.
Sa kilos-protestang inilunsad bilang paggunita sa masaker sa Mendiola nung Enero 22, binansagang “Massacre King” si Duterte dahil sa higit 300 magsasakang pinatay sa ilalim ng pamumuno nito. Ipinanawagan sa kilos-protesta ang nararapat na pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang matagal nang ipinangako ng ilang nagdaang gobyerno. Ipinahayag ng mga lider-magsasaka mula sa iba’t-ibang lalawigan ang kanilang galit sa pagpatay at pandadahas sa kanilang mga komunidad, at pinasinungalingan nila ang paratang na sila ay terorista.
Sa kasalukuyang pamumuno ni Duterte, nananatili ang monopolyo sa lupa ng iilang nagmamay-aring uri gaya ng Pamilya Yulo at Pamilya Ayala, at mga korporasyong tulad ng Sumifru sa Mindanao, habang pinagkakaitan ang kalakhan ng magsasakang dekada at siglo nang nagbubungkal ng lupa. Ayon sa datos ng Department of Agrarian Reform, 3,400 ektarya lamang ng lupa ang naipamamahagi kada buwan sa panahon ni Duterte magmula 2016 hanggang 2019. Ito ang pinakamabagal na usad ng pamamahagi ng lupa sa mga nagdaang pamahalaan magmula kay Corazon Aquino.
Hindi natatangi ang kalagayan ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo. Bago sumapit ang Pasko noong nakaraang taon, nagbanta ng pagpapalayas ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa 400 na pamilyang magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. Nagbarikada ang komunidad ng Lupang Ramos at iba’t-ibang kaalyadong sektor sa pangunguna ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) upang tutulan ang pagpapalayas sa kanila ng NGCP para makapagtayo ng mga tore ng kuryente na sisira sa lupang kabuhayan nila at tirahan.
Sa bisperas naman ng bagong taon ay minasaker ang siyam na lider ng katutubong grupong Tumandok sa Tapaz, Capiz. Matagal nang kinakaharap ng mga Tumandok ang militarisasyon ng kanilang komunidad dahil sa kanilang pagtutol sa pagpapatayo ng Jalaur Mega Dam Project na magpapalubog sa kanilang lupang ninuno. Inaresto din ang 16 katutubong Tumandok kabilang ang mga lider-kababaihan na sina Aileen Catamin, dating Secretary General ng Tumanduk nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kabuhi (TUMANDUK), at Marevic Aguirre na dating tagapangulo ng TUMANDUK.
Sa pagpasok ng taong 2021, gutom at dahas ang sumambulat sa taumbayan. Ang kawalan ng suporta ng gobyerno sa agrikultura ay nagbunga ng pagkalugi ng mga magsasaka at labis-labis na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang produkto na nagpapahirap din sa kanila at sa mga konsyumer.
Iniulat ng AMIHAN Federation of Peasant Women ang sunod-sunod na atake sa mga magsasaka ngayong Enero, kabilang ang demolisyon ng mga pwersa ng Ayala Land ng kabahayan ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo. Noong Enero 13, sinalakay ng mga sundalo ang bahay ng mag-asawang magsasakang sina Marilyn at Edwin Madin sa Hacienda Ambulong, Talisay, Negros Occidental. Kinuha rin ng mga sundalo ang dalawang-buwang sanggol na inaalagaan ng mag-asawa. Noong Enero 14, giniba ng daan-daang pulis ang kabahayan ng 70 pamilyang magsasaka sa Barangay General Lim, Orion, Bataan sa utos ni Federico Pascual, dating tagapangulo ng Government Service Insurance System. Sa Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan, kinasuhan ng pagnanakaw ng Royal Mollucan ang 16 na magsasaka na nag-aani lamang ng kanilang pananim.
Tatlumpu’t-apat na taon makalipas ang masaker sa mga magsasaka sa Mendiola, nananaig ang panawagan ng taumbayan para sa lupa at hustisya. Ang pakikibaka ng mga magsasaka ay pakikibaka ng lahat ng mamamayan. Ang panawagan para sa tunay na repormang agraryo ang maghahawan ng daan para sa pagkamit ng hustisya at panlipunang pagbabago.
Ang mga magsasaka ang nagsisiguro ng ating pagkain. Sila ang nagpapayabong sa lupa at pangunahing tagapangalaga ng kalikasan. Kadugtong ng suliranin sa lupa ang sikmura ng taumbayan. Inaanyayahan ng Gantala Press ang kapwa kababaihang manunulat at artista na makilubog sa kanayunan upang alamin at palalimin ang pag-unawa sa kalagayan ng mga magsasaka, at makilahok sa mga kilos-protesta upang palakasin ang panawagan para sa lupa at hustisya.
Leave a Reply