
Ningning sa Dilim
Bumukas ang taong 2020 sa pagputok ng bulkang Taal. Habang sumasaklolo tayo sa mga nasalanta, unti-unti na palang gumagapang sa buong daigdig ang sakit na magdadala ng dagok sa “panlipunang kaayusan.”
Mula Marso hanggang Disyembre, isinabak natin ang ating mga pagbangon sa gitna ng isang pandemya. Bawat buwan, bawat araw ay ginalit tayo ng mga pagnanakaw at paglulustay ng rekurso na dapat ay nakalaan sa pampublikong kalusugan. Habang dinidinig kung saan napunta ang Bayanihan Act budget na P275 bilyon, lalo tayong niyanig ng ulat na P15 bilyong ninakaw sa ating PhilHealth. Nilustay din nila ang P389 milyon para sa dolomite ng Manila Bay. Kailanman ay walang wastong rason na sasandigan ang paggastos para sa puting buhangin habang namamatay na sa gutom ang masang Pilipino.
Hindi pa tayo nakausad sa krisis na hatid ng COVID-19 at ng dati nang mga problemang dulot ng neoliberal na sistema, sinalanta naman tayo ng sunod-sunod na bagyo. Sa pagdaan nina Quinta, Rolly, Ulysses, Vicky sa huling kuwarto ng taon, lalo nating napagtanto na hindi ang natural na bugso ng kalikasan ang pangunahing pumapatay at sumisira sa ating pananim, tahanan, at kapaligiran, kundi ang pag-abandona sa atin ng mga nanunungkulan at ang korporatisasyon na nagbubunga ng delubyo sa ekolohiya.
Itutulak ng gutom, ng krisis, ng pagsaksi natin sa kalupitan ng maykapangyarihan ang pag-aalsa. Alam ng pangulo at kanyang mga tao na maghihimagsik ang mamamayan sa kanilang mga aksyon na pawang paborable lamang sa mayayaman at iilan. Kung gayon, maghahanda ang gobyerno ng mga batas at lilikha ng isang “kaayusan” na susugpo sa ating paglaban. Minadaling ipasa ang Anti-Terrorism Act of 2020 habang lockdown. Kasabay nito, brutal na pinaslang ang mga lider aktibistang sina Randy Echanis, Zara Alvarez, Bae Milda Ansabo, Jory Porquia; hinuli at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang marami pang mga kabaro at kasama, kabilang na sina Beatrice Belen, Amanda Echanis, at Lady Ann Salem.
Sa kabila ng pampulitikang represyon, ng pag-aresto, ng pananakot, ng pamamaslang, titindig ang kababaihan, ang mamamayan. Hangga’t may krisis at pagsasamantala, may pakikibaka.
Tanglaw ang Pag-asa
Gabay ang makababae at makauring perspektiba, tinatanaw ng Gantala ang taong 2020 bitbit ang mga layuning mag-ambag ng higit pa, kaakibat ng pagsulong ng paninindigan at pagpapatalas ng aming kamulatan.
Upang palalimin ang pag-unawa sa lipunan at pakikibaka ng mamamayang Pilipino, naglunsad kami ng serye ng mga pag-aaral na nagtatalakay sa kasaysayan ng kilusang feminista, pakikibaka ng proletaryong kababaihan, rebolusyonaryong sining at panitikan, gayundin ang mga pangyayari sa labas ng bansa.
Sa pagsuporta sa mga proyekto ng mga organisasyong katulad ng Amihan Peasant Women at NPIWU-NAFLU-KMU, pinahigpit ng Gantala ang pakikipagkaisa sa batayang uri ng ating lipunan — ang mga manggagawa at magsasaka. Pinalawak namin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang grupo ng kababaihan sa labas ng bansa, partikular sa Southeast Asia Feminist Action Movement (SEAFAM) sa Indonesia at Malaysia, Tilted Axis Press sa United Kingdom na naglathala ng isa naming antolohiya ng mga isinaling akda, at Bar de Force Press sa Vietnam na katuwang namin sa pagbuo ng isang feministang eksibit ukol sa panunupil ng estado habang pandemya.
Tinangka ng Gantala na maglimbag ng mga publikasyong tutugon sa kasalukuyang kalagayan katulad ng Kumusta Kayo: Naratibo ng Kababaihang Magbubukid Ngayong Pandemya at Más Que La Cara, isang pag-aaral sa kaugnayan ng maskara sa protesta ng kababaihan. Hinimok din naming magsulat ng sariling karanasan at kaalaman ang mga babae mula sa mga komunidad na katulad ng sa Kadamay sa Pandi, Bulacan.
Sa pagsusulat at pagsasaboses ng hinaing at hangad ng kababaihan at mamamayan, sinikap ng Gantala na kolektibong lumikha at maglathala. Kaya’t sa bawat sanaysay o pahayag, sa bawat aklat at proyekto ng Gantala, naglalaho ang indibidwal na kaakuhan at umuusbong ang kolektibong kasanayan.
Habang nagsusumikap ang bawat kasapi ng Gantala na mag-ambag sa gawain ng kolektiba at sa pulitikal na gawain sa pangkalahatan, natututo rin kaming paunlarin ang sariling kamulatan. Kaalinsabay ng pakikibaka, inunawa namin ang konsepto at proseso ng pagpapanibagong-hubog; ang pagtangan sa simpleng pamumuhay; ang pagkakaroon ng autonomiya at pagpapalakas sa katawan; at ang pagpapatalas ng kaalaman at kasanayan. Sama-sama naming hinarap ang mga ito ngayong 2020, at sama-samang haharapin sa bagong taon.
Bibit ang Sulo
Palagian ang krisis sa ilalim ng sistemang kapitalista. Dagdag pa, sinusuhayan at pinapatibay ang kapitalismo ng kakambal nitong patriyarkiya. Gutom, kahirapan, at karahasan ang patuloy na ipararanas sa atin ng umiiral na sistemang panlipunan. Ngayon, at sa mga susunod na taon, kailangan natin itong kolektibo at kagyat na igpawan.
Sa pagharap sa taong 2021, kasama ang kababaihan, ang uring api, ang mga progresibong manunulat at artista, makikipagkaisa ang Gantala sa kolektibong pagpapaunlad at pagpapatalas ng paninindigan, pananaw, at pagkilos. Palalakasin pa namin ang pakikipagkaisa sa masa, habang inaangat at pinalalawak ang mga pamantayan ng paglikha.
Para sa mga interesadong sumali sa Gantala Press, mangyaring sumulat sa gantalapress(at)gmail(dot)com.
Leave a Reply