
Mga ilang taon na ang nakaraan, nakasama akong magpadaloy ng isang palihan sa tula sa komunidad ng mga manggagawa. Kasama ko ang dalawang lalaki: ang pangulo ng organisasyon na kinabibilangan ko at ang isang masasabi nang haligi ng organisasyon na isa ring propesor sa isang tanyag na pribadong pamantasan. Nagmula ang paanyaya sa isang madre na tumutulong sa mga manggagawa. Gaya ng ginagawa namin sa aming palihan sa loob ng organisasyon, nagsisimula ang lahat sa isang maikling panayam tungkol sa mga katutubong anyo ng tula, na susundan ng pagsulat ng tula, na susundan ng pagbasa sa mga ito. Pagkatapos talakayin ng propesor ang tugma’t sukat, pinasulat na nya ng tanaga ang mga manggagawa. Kami naman ng pangulo ng organisasyon ay nag-ikot upang gabayan sila sa pagsulat. Maraming kuwento ang mga manggagawa at ang madre at hindi ko namalayang oras na pala ng pagbasa ng mga tula. Nang binasa na ng isa ang kaniyang tanaga, napansin ng propesor na hindi nasunod ang tamang anyo nito. Bahagya niya akong sinaway sa aking pakikipagkuwentuhan, tila ipinapaalalang mas kailangang bigyang tuon ang tugma’t sukat.
Sapagkat marahil sanay siya sa pamantasan, nakalimutan yata ng propesor na hindi mga naka-enrol na mag-aaral o mga fellow ng pambansang palihan na nagnanais tawaging “makata” ang aming pinuntahan. Mga manggagawa sila na kakarampot ang sahod at karamihan ay kontraktwal. Sa pagkakaalala ko, ni hindi man lang namin sila kinumusta. Para kaming bagyong basta na lamang sumulpot at naghasik ng mga tugma’t sukat at nagpabaha ng mga ampaw na kataga. Tila pinaramdam namin na hindi sila pakikinggan kung hindi nakasulat bilang tula ang kanilang sasabihin. Ganito ang larawan ng dominanteng kultura ng malikhaing pagsusulat at paglalathala sa kasalukuyan: Babasahin ka batay sa kung paano mo sinasabi at hindi sa ano ang iyong sinasabi sa iyong akda. Hindi ako naging ligtas sa ganitong kultura, bilang parehong sinisipat ang akda at sumisipat ng akda, sapagkat ganito ang kinasanayan ko sa pormal kong pag-aaral ng tula sa loob ng organisasyon.
Sa The (Mis)education of the Filipino Writer: The Tiempo Age and Institutionalized Creative Writing in the Philippines (Cruz, 2017), tinalakay kung paano naging institusyonalisado ang malikhaing pagsulat sa pamamagitan ng wika: “By requiring applicants to submit manuscripts accompanied by a recommendation letter from ‘a literature professor or an established writer,’ the Silliman Workshop also perpetuates the notion that literary production in English is the domain of college-educated writers, who would most likely be in contact with recognized experts in the field of creative writing (‘Call for Manuscripts’).” Ngunit hindi lamang ito maaaring tumukoy sa wikang Ingles kundi maging sa wikang Filipino. Sa kasalukuyang dominanteng kultura ng pagsusulat, hindi sapat ang magsulat sa Filipino. Kailangan nitong pumasa sa istandardisadong pagbabaybay halimbawa, at sa iba pang pamantayan gaya ng kasiningan sa artikulasyon. Ang mga pamantayang ito ay pinapanday sa mga pamantasan na mayroon na ring kursong Malikhaing Pagsulat, kursong katumbas ng Creative Writing na hiram sa Amerika. Lahat ng ito ay sumusukdol sa pagsusulat, lalo na ang malikhaing pagsusulat, bilang gawain pangunahin ng mga intelektwal na silang malawakang sumasaklaw sa industriya ng paglalathala. Sa paglipas ng panahon lalong lumawak ang pagitan ng panitikang oral at nakalimbag. Ang huli ay naging limitado sa mga nasa sa akademya at ang una’y sa mga nasa labas nito.
Kaya naman namangha ako at ilan sa Gantala, bilang mga produkto ng akademya, nang makilala namin si Nanay Tess nang magpunta kami sa Lupang Ramos, Dasmarinas, Cavite. May dala-dala siyang notebook noong kausap namin at nalaman naming nagsusulat pala siya ng mga tula doon. Isinusulat nya ito sa tuwing toka nyang magbantay sa bakod ng dulong bahagi ng Lupang Ramos na laging nakaambang baklasin at pasukin ng mga goons. Ito ang isa niyang tula sa Lupang Ramos: Isang Kasaysayan (2019):
MAGSASAKA
Pagmulat ng mga mata,
hila na ang kalabaw,
pupunta sa bukid nang wala pang almusal.
Araro roon, bungkal diyan,
pagdating ng tanghali,
lalamnan ang tiyan.
At pagsapit ng hapon,
pagal na ang katawan.
Kailan magbabago, kanyang kapalaran?
Dahil pagdating ng anihan,
kanyang kita, kulang pa sa utang.
Magsasaka’y nag-isip
na sumama sa samahan,
Samahang KASAMA–LR ang ngalan.
Sa kanilang mga pulong,
kanyang natutuhan,
magtanim nang tama,
umani nang sagana.
Magsasaka’y gumawa,
gumawa nang gumawa.
Kanyang nasa isip,
nasa tao ang gawa,
nasa Diyos ang awa.
Minsang sinabi sa isang palihan ng isang akademiko na nagtuturo din sa parehong tanyag na pribadong pamantasan ang ganito: “Natutuwa ako sa sesyon natin ngayon dahil tula na talaga ang pinag-uusapan natin.” Ilang linggo nang tumatakbo ang palihan at hindi pa pala “tula” ang aming binabasa. Kung babasahin niya itong isinulat ni Nanay Tess, tatawagin kaya niya itong “tula”? Sa limitado ko pang kaalaman sa limitado ring nalathalang panitikang isinulat ng mga taga-komunidad, pansin kong ang wika nila’y hindi nabibihisan ng mga bokabularyo, pangungusap, o talinghagang maituturing na “malikhain” sa pamantayan ng Malikhaing Pagsulat. Ngunit paano pa ba mas magiging malikhain ang pagsusulat ng tula habang binabantayan ang lupang maaaring kamkamin ano mang oras at maaaring buhay ang kapalit?
Kung tutuusin, may mga pagkakataong hindi nagkakalayo ang sulatin ng mga taga-komunidad at ng arál na manunulat. Tulad na lamang nitong akda ni Rubirosa Cabal sa Daloy Vol. 1 (2016):
KARANASAN KO SA CHINA
Mahirap ang magtrabaho sa ibang bansa, lalo na kung hindi ka sanay sa gawaing bahay. Sa mga unang linggo, maraming palpak na trabaho ang nagagawa mo. Andyan nasunog sa plantsa ang jacket ng alaga. Andyan nalimutan ko yung itlog na nakasalang hanggang sumabog na yung itlog sa kaserola. Andyan din yung nagsalang ako ng sinaing pero hindi ko napindot yung rice cooker hanggang sa dumating ang amo ko, tinanong kung nakapagluto na ako. Dun ko naalala na hindi pala naluto ang sinaing ko. Ngiti na lang ang ginawa ng amo ko.
Mula 4 am nagma-mop na ako ng sahig, linis ng dirty kitchen, CR. Sunod naman mga bintana. Paggising ng amo ko, kwarto naman niya. Sa hapon laba naman, luto ng hapunan. Linis ulit ng sala. Sa gabi naman hugas ng pinaggamitang pinggan. Ang huling gawain ko ay plantsa. 10 pm puwede nang matulog.
Sa institusyonalisadong pagsusulat, maaari itong tawaging dagli o maikling personal na sanaysay (vignette). Ang pinagkaiba lang, hindi ito isinulat ng migrante na may pagsasaalang-alang sa mga anyong iyon at sa mga kaakibat nilang pamantayan. Sa Partial Views: On the Essay as a Genre in Philippine Literary Production (forthcoming) muling tinalakay ni Cruz ang panganib ng institusyonalisadong pagsusulat at pagbabasa sa pagsusuri niya sa tanyag na sanaysay na “My Family’s Slave” (2017) ni Alex Tizon na inilathala sa The Atlantic: “The woman whipped in the text was whipped in real life. The woman who worked for no pay in the text worked for no pay in real life. The woman who suffered for over half a century in the text suffered for over half a century in real life. The family that abused her in the text abused her in real life. The author really tried to make up for his family’s transgressions after his mother’s death and really brought her ashes home to her family in Tarlac. This direct line between what happens on the page (or screen) and in real life spells the difference in the reader’s reception of the text and clarifies the stakes of writing in the genre.” Sapagkat sinanay sa akademya na karaniwang mas bigyang pansin ang kasiningan ng isang akda, may posibilidad na malaktawan ng arál na manunulat ang bigat at katotohanan ng danas ng nagsulat ng personal na dagli o sanaysay. Ang akda ni Cabal ay inilathala at dapat basahin hindi dahil pasok ito sa pamantayan ng anyo kundi dahil ito ay isang nakasulat na danas ng isang migrante. Ang isinalaysay niya ay mga aktwal na gawain sa araw-araw sa ibang bansa na hindi nangangailangang suriin ang kasiningan o di kasiningan.
Noong Disyembre 2018, muli akong nakapagpadaloy ng palihan sa mga manggagawa kasama ang Gantala. Ginanap ito sa Liwasang Bonifacio, Maynila sa kampuhan ng mga manggagawa ng Sumifru na lumuwas mula Mindanao upang ipanawagan ang makatarungang suweldo at regularisasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Ikinuwento nila ang tipikal na araw sa trabaho, ang kanilang paglalakbay, ang kasalukuyan nilang kalagayan sa kampuhan. Marami sa kanila ang nagbahagi sa wikang Cebuano:
JULIET
Ang aming pagtrabaho sa planta kay tulo o duha lang kaadlaw ang among maduty-han kay adunay rotation ug dili gyud igo ang sahod sa akong pamilya. Dako gyud ang kulang kay ang sahod pababa, unya ang presyo ng bilihin pataas.
Sa sobrang trabaho ko sa planta, halos di na ko mailhan sa akong mga anak. Kay sayo pa ko molakaw mga 3:00 AM sa buntag hantod 10:00 PM ko magtrabaho.
Bahagya akong nakauunawa ng wikang Waray na may pagkakahawig sa wikang Cebuano kaya nakatulong ako nang kaunti sa oral na pagsasalin ng mga isinulat ng mga manggagawa. Tinipon namin ang maiikli nilang salaysay sa Mamumuo (2019) nang bahagya o halos walang interbensyon sa artikulasyon. Sa pamamaraang ito napapanatili ang awtentikong tinig ng nagsulat na karaniwang inilalarawang “walang tinig.”
Maging sa larang ng pagsasaliksik, madalang ring mabasa nang direkta ang tinig ng komunidad nang walang interbensyon ng akademiko. Karaniwang nauuwi lamang sila sa data o istatistika. Maaaring mayroong mga larawan, dokumentaryo, musika, at aklat tungkol sa kanila, gaya ng sa humigit-kumulang 29,000 pinatay at namatay (“collateral damage”) sa Oplan Tokhang ng rehimeng Duterte ngunit halos wala pa ring nakalimbag na mga direktang salaysay bukod sa maiikling panayam. Sa Dalawampu’t Siyam na Libo (2020) kasama ang RESBAK, inilathala namin ang maiikling salaysay ng mga naiwan ng biktima ng tokhang.
NANAY JEMY
High School ako sa Roosevelt College Lamuan nang makilala ko ang aking asawa. Tricycle driver siya. Kaklase ko ang isa niyang kapatid at isa niyang pinsan.
Masaya ako kapag kasama ko siya. Marami kaming pangarap. Masaya ang naging pagsasama namin. Nagkaroon kami ng limang anak. Hindi siya nagkulang sa pagmamahal sa kanila.
Ngunit dahil sa droga at barkada, nalihis siya ng landas. Ikinagalit ito ng mga magulang at mga kapatid ko. Panandalian kaming naghiwalay. Gayon man, patuloy pa rin ang sustento niya sa aming mga anak.
Lubhang nagulo ang aming pamumuhay noong maupo si Presidente Duterte.
May nagsumbong na gumagamit ng droga ang aking asawa. Ang totoo, ginagawa niya lang iyon dahil 24 oras siyang namamasada.
Binaril siya sa bahay ng mga biyenan ko.
Nasaksihan iyon ng hipag at pamangkin ko, maging ng mga manininda.
Ngayong wala na ang asawa ko, ako na lang ang bumubuhay sa lima naming anak.
Mahalaga ang ginagampanan ng mga mananaliksik, mamamahayag, at artista sa pagdodokumento at pagkukuwento ng danas ng komunidad ngunit mahalaga ring ang komunidad mismo ang magkuwento ng kanilang danas sa sarili nilang wika. Ibig sabihin, sa sarili nilang tinig. Mahalagang dumugtong ang wika/tinig na ito sa mga katulad na komunidad sa buong daigdig. Sa Pa-Liwanag (2020), isinalin sa Ingles ang mga akda ng kababaihan sa komunidad.
HAMON
Inday Bagasbas
Kahit malabo ang aking paningin
di naman ako bulag sa sistemang mapang-alipin
Kaya’t pag-ambag ay pinangungunahan
pagkat hangad ko ay mabago ang bulok na lipunan
Pandinig ko ma’y mahina na
di naman ako bingi sa tawag ng pakikibaka
Layunin ko’y makamit ang lipunang malaya
kaya’t pinangungunahan ang tunay na pakikibaka
Kahit masakit ang paa dahil sa rayuma
pagtungo sa lansangan isa pa ring panata
Mulat na itinaas ang antas sa malayang bayan
Ultimong layunin ay maibagsak ang imperyalista
Hindi hadlang ang kahinaan at limitasyon
para paglaya ay tanganan, ako’y susulong
Bagkus higit pinatatag ang paninindigan
para ubos-kayang mag-ambag sa malayang bayan
Kaya hamon ko sa kabataang nakikibaka
ay pagbabago sa bulok na sistemang panlipunan
Sumama na sa Save San Roque.
*
CHALLENGE
translation by Rae Rival
Though my eyes are failing
I still see the oppressive system
I do my share because I desire
That this rotten society be changed.
My hearing may be weakened
But I still hear the call and the struggle,
I am for a free society
So I am at the forefront of the real struggle.
Though my feet ache with arthritis
I walk the streets as a promise
Aware that I must trudge on for freedom
With the ultimate aim to end imperialism
Weakness and limitation cannot be a hindrance
I carry freedom, onward I go
I strengthen my stand for my country’s liberation
So I challenge the youth,
To change the system of our decaying society
Join Save San Roque Alliance!
Sa lokal man o sa global, ang usapin sa wika ay karugtong ng usapin sa uri. Wika rin mismo ang maaaring magbuklod sa mga uring api sa buong mundo. Kung sa Mamumuo naipakita ang pag-uusap ng mga wika sa Pilipinas (i.e. Cebuano at Tagalog), sa Paliwanag na naglalaman ng mga akda ng komunidad na nakasalin sa Ingles, naipapakita ang layong pag-abot sa pandaigdigang pagkakaisa. #
*Binasa ni Roma Estrada sa webinar na inorganisa ng UP Rural High School para sa Buwan ng Wika noong Agosto 28, 2021. Mapapanood dito ang bidyo.
Leave a Reply