
Maikling pagpapakilala muna sa pamagat ng talakayan ngayong hapon. Ang “bugtong at saludsod (Ilokano para sa tanong)” ay mula sa tula ni Kerima na pinamagatang “malapyudalismo.” Ano ang isang bagay na pinagbabahaginan o shared ng bugtong at tanong? Pareho silang nangangailangan ng sagot. Sa mga tula ni Kerima, ang sagot na ito ang sinikap niyang hanapin at tukuyin.
Samantala, ang pigura ng “makatang hangal” ay hango sa kuwento ng matandang hangal na nagpatag ng bundok, na mula naman sa mensahe ni Mao Zedong sa ikapitong kongreso ng Partido Komunista ng Tsina. Binalikan niya rito ang isang kuwentong-bayang Tsino. Tungkol ito sa isang matandang nagpursiging patagin ang dalawang bundok na humaharang sa kanyang daanan. Tinawag siyang hangal ng isang pantas dahil sa pagtatangka niyang gawin ang isang imposibleng bagay, pero sumagot ang matanda na siya at kanyang mga anak at apo ay hindi titigil hanggang mapatag ang bundok. Hindi naman daw nadadagdagan ang bundok sa bawat batong natitibag nila, bagkus pa nga ay nababawasan. Naawa ang Diyos sa matanda, kaya nagpadala siya ng dalawang anghel na nagtanggal at nagbuhat ng mga bundok palayo.
Ayon kay Mao, may dalawang bundok din na humaharang sa pag-unlad ng Tsina noong panahon nila, ang imperyalismo at pyudalismo. Sabi niya, pursigido ang Partido na tibagin ang dalawang bundok na ito. Sa kanilang determinasyon, siguradong maaantig din nila ang damdamin ng Diyos. At ang Diyos na ito ay ang sambayanang Tsino. Tanong ni Mao, kung hindi makikilahok ang sambayan sa kanilang pagbuwag sa dalawang bundok, bakit naman hindi ito mapapatag kalaunan?
Sa kasong ito, sa halip na matanda ang “hangal,” isa siyang makata. Sa pamamagitan ng kanyang sining at higit, ng kanyang pakikidigma, ay nag-ambag siya sa pagtitibag ng hindi dalawa kundi tatlong bundok na pasan-pasan ng sambayanang Pilipino — ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo.
malapyudalismo
ania nagan? kumusta?
mano nga tawen?
apay? kasano?
hindi kailangang
maging mananaludtod
upang gawing daniw
itong bugtong at saludsod:
MALAPYUDALISMO.
pinagdikit-dikit na titik
na sumusuyod sa ulo.
ito’y palaisipang
kaydaling matanto:
tumatanghod sa taltalon
tulad ng multong tuliro,
gumagapang sa mga gapas
at sa nabaling araro.
pinagdikit-dikit na titik,
na kurok sa sikmura
sa tuwing sasapit ang apit.
masakit na likod
kagat ng lamok
iyak ng bata
maganit na tuhod
murang sigarilyo
mahal na abono
inutang na kwarta
takot sa panginoon—
sumada ito ng sanlaksang talinhaga
sa salaysay ng Mannalon
sa Pulang mandirigma.
2000
Sinasabi sa tulang “malayudalismo” na hindi kailangang maging makata para i-articulate ang pangunahing bugtong at saludsod o tanong ng kilusang masa: “Mayaman ang Pilipinas pero bakit naghihirap ang sambayanan?” Damang-dama ang malapyudalismo sa kaliit-liitang detalye ng karaniwang buhay (masakit na likod/kagat ng lamok/iyak ng bata/maganit na tuhod/murang sigarilyo/mahal na abono). Alam na alam ng masang magsasaka ang mga problemang ito. At bilang kadre — Pulang mandirigma — na kumilos sa kanayunan, at nakipag-usap sa mismong mga mannalon — magsasaka at manggagawang-bukid, lubos ding naunawaan ni Kerima ang mga problemang ito.
Ang panayam na ito ay magtatangkang maglinaw sa tatlong batayang problema ng lipunang Pilipino gamit ang mga tula ni Kerima, na nasawi sa kanyang gawain at komitment na patagin ang mga bundok, isulong ang rebolusyon.
- PYUDALISMO
Ano ang pyudalismo? Ito ay moda ng produksiyon kung saan ang mga pangunahing puwersa ng produksiyon ay ang mga magsasaka o pesante at ang lupang kanilang sinasaka. Kinakatangian ito ng pang-aabuso ng mga panginoong maylupa.
Ang pinakakagyat na hitsura ng pyudalismo ay ang pag-aari ng malalawak na lupang agrikultural ng iilang panginoong maylupa (PML). Hindi ang mga PML ang nagbubungkal ng mga lupang ito, kundi ang mga magsasakang inuupahan ng PML, o di kaya ay nangungupahan sa PML at silang gumagastos sa mga pangangailangan sa produksiyon at kahati ng PML sa ani.
Noong panahon ng kolonyalismo, lumawak ang mga lupang agrikultural na pag-aari ng mga prayle, mga lokal na panginoong maylupa, at mga mestizo dahil tinangka ng Espanya na makilahok sa pandaigdigang kalakalan. Pero dahil hindi na nakasabay ang Espanya sa pag-unlad ng ibang mga bansa tungo sa industriyalisadong antas ng kapitalismo, nanatiling timik o stagnant ang lokal na ekonomiya. Nang dumating ang kolonyalistang US, hindi napalis ang pyudalismo, bagkus ay lalo itong nagkaugat sa lupain ng bansa. Walang linunsad na anumang tunay na reporma sa lupa ang mga Amerikano. Ang pinakamasaklap, tuwirang napasailalim ang bansa sa monopolyo kapitalismo ng US — nalipat sa pagmamay-ari ng iilang malalaking negosyante ang kalakhan ng produksiyong ekonomiko at kapital. Ang salimbayang ito ng lokal na pyudalismo at imperyalismo ang bumubuo sa malapyudal na katangian ng Pilipinas.
Ano ba ulit ang imperyalismo? Sa pangkalahatan, ito ang pagsakop ng isang bansa sa isa pa sa larangan ng ekonomiya, pulitika, at kultura. Sa partikular, ito ang pagkontrol ng mga dayuhang negosyante sa ekonomiya ng bansa para maging batis tayo ng hilaw na materyales at murang paggawa, at magsilbing palengke ng kanilang mga produkto.
Ang malapyudalismo ay pagkubabaw ng imperyalismong US sa lumang pyudal na paraan ng produksyon. Nakaasa pa rin talaga sa agrikultura ang ating bansa at wala tayo ng mga batayang pangangailangan ng isang modernong industriyal na ekonomiya tulad ng sa paggawa ng mga metal, kemikal, capital goods (electronics, software, machinery), at iba pa.
Malapyudal ang Pilipinas dahil hindi na ito lubusang pyudal. Ibig sabihin, hindi na ang panginoong maylupa na lamang ang naghaharing-uri. Kasama nila ang malalaking burgesyang kumprador (MBK), na karamihan ay mga PML din. Ang MBK ang nakikipagkalakalan sa mga dayuhang kapitalista at pangunahing nagpapapasok ng imperyalismo sa lokal na ekonomiya. Halimbawa ng mga MBK ang nasa listahan ng Forbes’ Richest Filipinos. Sa Pilipinas, makikita ito sa malakihang pagtatanim ng mga produktong pang-eksport sa US at iba pang bayang kapitalista. Makikita rin ito sa neoliberal na ekonomiyang nakaasa sa mga inimport na produkto.
Ang pagsasanib ng dayuhang kapitalismo at lokal na pyudalismo ang nagbibigay-daan sa pagkalusaw ng natural na ekonomiyang kayang suportahan ang sarili. Sa halip, ito ay nagiging ekonomiyang dinidiktahan ng dayuhang kapitalismo at ginagamit para pigilan ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya.
Habang patuloy ang pyudal na pagkaalipin ng kalakahan ng mamamayan, mananatili ang malaking reserba ng murang paggawa at murang hilaw na materyales.
Sa ganitong pakahulugan, sinasabi na batayang panlipunan ng imperyalismong US ang pananatili ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa.
A.
Salaysay at Kasaysayan
I
Sinlaki ng bawang ang mga kalyo ng lakay:
isa sa bawat sakong. Makapal na balat sa ilalim
ng maninipis na kamisetang patung-patong:
Iba’t ibang kulay na kupas, etiketang tastas
at tatak-pangalan ng pestisidyong nagbaon
sa kanya sa utang nang matuyo ang panahon.
Linalarawan ng “patung-patong na kamiseta” ang produkto ng magsasaka sa tulang ito: bawang, na kasinglaki umano ng kanyang mga kalyo. Makikita sa simpleng imaheng ito ang pag-iral ang malapyudalismo. Dahil hindi pag-aari ng magsasaka ang kanyang means of production, ang lupa at iba pang gamit sa pagsasaka, madali siyang abusuhin ng mga PML. Magsasaka ang gumagastos sa binhi, pestisidyo, upa sa thresher, atbp. Kanya pa ang lakas paggawa. Para matugunan ang mga pangangailangang ito, kailangan niyang umutang. Malaking parte pa ang kinukuha sa kanya ng PML (60 to 80% ng kita o ani).
Ang malalaking kumpanya ng pagkain at agrikultura tulad ng Monsanto ay nagbebenta sa atin ng mga binhing nangangailangan ng mga gamot at pestisidyo na sila rin ang nagmamanupaktura. Kaya, kapag pinasya ng PML na ito ang itanim, walang magagawa ang mga magsasaka. Natatali sila sa mga produkto ng imperyalista habang nababaon sa utang. At ang pagkakautang na ito ang nagpapatuloy ng pang-aabuso sa mga magsasaka.
Ang anino ng ilong, itim sa kayumangging mukhang
nagugusot sa pagsasalaysay. Kumakaway na apoy
sa aming pagitan, sinasabi ni manang na nasugat
nang matindi ang kanyang mga kamay nang
pilitin niyang isalba ang mga tanim na binaha:
Kailangan niyang hugasan ang kabuhayan sa sapa.
Ang larawan ng mukha ng matandang babae na tinatanglawan ng apoy ay nagpapakita na ang salaysay na ito ay nangyayari sa loob ng pananaliksik o paglubog ng isang kadre sa kanayunan (kung saan madalas, walang kuryente). Tumutukoy rin ito sa pamagat ng tula (“Salaysay at Kasaysayan”): nasa salaysay ng masa ang kasaysayan ng Pilipinas. Kung tutuusin, ang mga tula ni Kerima na sinulat niya bilang kadre ay parang saliksik o research sa kalagayan ng sambayanan.
Pinananatiling bansot ng imperyalismo sa tulong ng naghaharing-uri ang ekonomiya ng bansa para manatili tayong nakaasa sa kanila. Walang suporta ang reaksyunaryong gobyerno sa mga magsasaka. Mas pipiliin ng gobyernong mag-angkat ng bigas kaysa pagyamanin ang sarili nating industriya ng bigas, halimbawa. Sabi nga sa tulang “Sakada,” Ekonomiya ay bansot/agrikultural/pre-industriyal/malapyudal! Kaya kapag tumama ang mga kalamidad, walang magawa ang mga magsasaka kundi isa-isang hugasan sa sapa ang mga pananim, sa pag-asang may maisasalba kahit kaunti. Makikita sa tayutay na paghuhugas sa sapa ang desperasyon sa mga magsasaka at ang pangkalahatang atrasadong kundisyon ng agrikultura sa Pilipinas.
Walang pa mang tagtuyot, walang pa mang bagyo,
sugat na ang kamay, malaki na ang kalyo.
Ano ang nalalaman natin ukol sa pagsasamantala?
Sino ang nagpunla ng mangangamkam at sugapa?
Saan nakaugat, kailan mahuhugot ang pang-aabuso?
Anong klaseng kalamidad itong malapyudalismo?
Ipinakikita sa unang taludturan ang araw-araw na pagkabusabos ng mga magsasaka, at ang palagiang krisis o kalamidad na kanilang kinapapalooban. Ipinakikita ring nakaugat sa lupa ang batayang problema ng Pilipinas at sa lupa rin ito mahuhugot, matutugunan.
II
Nagpuputik ang mga sapa
patungo sa bawat larangan,
sa pagpupunla ng mga paa
ng bagong pamahalaan.
Anong batas ng lupa,
batas ng langit,
himalang ngitngit
o irit ng tiyan,
ang naghatid sa atin
sa piling ng mamamayan?
Walang anumang nakasulat
at isinambit,
walang anumang nakahugis
at iniukit.
Hindi aklat, hindi alamat.
Naririto tayo
at ating itinatanong:
Anong batas?
Tayong patak
sa di mapipigil
na daluyong.
2000
Sa sapa naghugas ng mga pananim si manang magsasaka. Doon, ang kinakalyong mga paa ni manong magsasaka ang magpupunla ng bagong pamahalaan, isang sosyalistang pamahalaan na makatarungan para sa lahat.
B.
Taisan
Ano ang halaga ng isang toneladang taisan?
Wala ni anuman para sa aliping sahuran.
Walang anuman ang pagbagtas sa ulilang lansangan
Sa alanganing oras, na himbing pa ang tandang.
Hindi alintana na ni wala pang agahan:
Ang lakas ay dumaratal dahil sa pangangailangan
Na kapalit, mula sa dayuhang amo, ay karampot na arawan.
Ang timpi ng trabahador ay abang panghihinayang.
Ang paggawa ay para kanino, at para saan?
Ang isang toneladang taisan ay mabigat at malaki, pero wala itong halaga o pakinabang sa taong nagtrabaho para rito. Hindi magkatimbang ang paggawa at sakripisyo, at ang halaga nito para sa mga tunay na nakikinabang dito.
Mula sa MKLRP: “Ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng bayan ay ang imperyalistang US at iba pang dayuhang imperyalista, at ang kasabwat nilang lokal na mga MBK at PML. Binubuo nila ang isang porsyento (1%) lamang ng populasyon ng Pilipinas. Sila ang lubos na nakikinabang sa likas na yaman ng bayan, sa pwersang paggawa at sa yamang likha ng mamamayang Pilipino. Sila rin ang may kontrol sa reaksyunaryong gubyerno at reaksyunaryong armadong pwersa sa Pilipinas. Sila ang bumubuo sa mga naghaharing-uri na nang-aapi at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.”
Sa panustos ng pamilya habang hinihintay ang anihan?
O sadyang walang lupang sarili na mapagtatamnan?
Sa kamal na yaman ng dayuhan, sino’ng pasasalamatan?
Isandaang puting inahin ang kanilang iniaalay
Para hindi magalit ang mga kaluluwa sa kabundukan.
(Ang konteksto ng tula ay lupang ninuno, katulad ng kabundukan sa Rizal-Quezon na balak tayuan ng Kaliwa-Kanan Dam.)
Habang sa mga obrero: sapat na ang sanggatos
At trabahong paminsan.
Ang paggawa ay para kanino, at para saan?
Ni wala nang oras upang langit ay pagmasdan
At sipatin ang lawak ng bundok at kalupaan.
Ni wala nang oras upang buksan ang isipan
At imulat ang mga mata sa katotohanan.
Saan na nga ba narinig ang mga katagang ito, minsan:
Mayaman ang Pilipinas pero naghihirap ang sambayanan!
Mula sa MKLRP: “Sa mga kabundukan at kapatagan, makukuha ang maraming mineral tulad ng ginto, tanso, langis, pilak, karbon, bauxite, uranyum at nikel. Sapat ang mga ito para makapagsarili ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng mga industriya.
Kung ang mamamayang Pilipino mismo ang gagamit at lilinang sa likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling pakinabang, sobra -sobra pa ito para sustinihin ang populasyong makailang beses ang laki kaysa sa kasalukuyan. Gayunman, ang mamamayang Pilipino ay pinipigilan ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo na gamitin ang likas na yaman nila para sa sariling bentahe. Sa ngayon, ang likas na yamang ito ay nililinang ng imperyalismong US at lahat ng alipuris nito para sa sarili nilang ganansya at ayon sa makikitid nilang pakana na nakapipinsala sa masang anakpawis.”
Bakit itong minahan ay wala ni anuman
Kundi lugar ng trabaho sa panahong kagipitan,
At ang yaman nito’y di lubos na napapakinabangan
Ng masang isinilang at nangamatay
Sa tanaw at antabay ng dakilang Puti-anay?
Bakit kay ilap ng kaunlaran?
Ang paggawa ay para kanino, at para saan?
Ang pagmimina ay mahirap pa ring industriya; sa Camarines Norte, umaabot sa Php 200 hanggang 299 lang ang kita sa araw-araw. Kulang at walang katiyakan ang kita mula sa pagmimina.
Ni wala nga bang oras upang magtanong,
Wala nga bang oras upang maghanap ng kasagutan?
Ngayon, ang trabahador ay taimtim
Na naghahasa ng sundang,
Habang pinagmumunihan ang aping kapalaran:
Saan na nga ba narinig ang mga katagang iyon, minsan?
A, wala nang iba pa kundi mula sa Hukbong Bayan!
Tuloy siya sa pagtatais: pinatatalas ang isipan,
Handang iumang ang itak sa mga kaaway ng bayan.
2007
Ang taisan ay may dalawang kahulugan: (1) chromite; at (2) bato na panghasa ng itak. Sa huli, sinasabi sa tula na ang dahilan ng pagkalugmok ng trabahador ang siya rin niyang magiging armas. Pero hindi lamang ito pisikal na armas; tinatais, hinahasa rin ang isipan sa pamamagitan ng pag-aaral kasama ang Hukbong Bayan (na siyang nagmumulat sa kanila sa malapyudal na kalagayan).
2. BURUKRATA-KAPITALISMO
Ang burukrata-kapitalismo ay ang pagpapatakbo ng mga naghaharing-uri sa gobyerno na parang negosyo. Ang malalaking burukrata o opisyal ng reaksyunaryong gobyerno ay mga kinatawan ng at nagmula sa uring MBK at uring PML. Ginagamit nila ang kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa mga dayuhang imperyalista, MBK at PML. Ginagamit din nila ang kanilang posisyon para mangurakot at magpalawak ng pag-aaring lupa at negosyo.
Nilista ng NNARA-Youth ang mga salik ng salot na ito:
“Bilang isang salot na kakawing ng imperyalismo at pyudalismo, ang burukratang kapitalismo ay malaking pasanin ng mamamayan. Pinahihirapan ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan sa pamamagitan ng:
A. Pasismo at pagsupil ng mamamayan – Para mapasunod ang mamamayan sa gusto ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri, sistematikong sinusupil at kinokontrol sila ng reaksyunaryong estado.
B. Pagpasok sa mga di pantay na kasunduan at pagpapatupad ng mga batas at programa na nagtataguyod ng pagsasamantala ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri – Ang mga burukratang kapitalista ang pumapasok at nag-aapruba sa mga kasunduan na nagbibigay sa imperyalismong US ng karapatan para patuloy na kontrolin at pagsamantalahan ang sambayanang Pilipino. Sila ang gumagawa at nagpapatupad ng mga batas na pabor sa mga naghaharing uri at kontra sa mamamayan.
K. Kabulukan sa gobyerno – Laganap ang korapsyon at katiwalian sa buong gubyerno. Sa pagpapatibay ng mga batas, utos at desisyon, tumatang-gap ng malalaking suhol ang mga burukaratang kapitalista.
D. Panlilinlang sa mamamayan – Nililinlang ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan para maging maamo at masunurin sa mga naghaharing uri. Inaakit nila ang mamamayan para umasa sa gubyerno sa paglutas ng mga problema.
E. Pagsangkot sa kriminal at iligal na mga aktibidad – Ang kriminal at iligal na mga aktibidad ay isa na ngayong malaking pinagkakakitaan ng mga burukratang kapitalista kabilang ang matataas na upisyal ng AFP at PNP. Pinapakita lamang nito ang mabilis na pagkitid ng pinag-aagawang yaman ng bayan.”
Kwento ng Kambing
Ang batang si Luisa ng Baryo Balete
Ay tukayo ng Katsilang Donya
Na Senyora ng Sentral Azukarera.
Ang mailap na Asenderang kawangis ng Birheng Santa Maria
Ay pinagpag sa polbo, sa barikos beyns ay nalumpo,
At maghapon, magdamag na nakatanghod mula sa Alto.
Habang ang ating bida:
Ang sampung-taong gulang na si Luisa
Ay anak ng kabyaw ngunit anak ng dalita.
Balat ay lagi nang nahihiwa sa mga hibo ng tubo,
At hinihilom ng mga kamay na pawisan at pasmado.
Magkapareho ang pangalan ng batang anak ng dalita at senyora ng Sentral Azukarera ngunit malalim at matalas ang pagkakahiwalay ng kanilang landas at kapalaran. Pareho silang babae, ngunit mahigpit na pinag-iiba ng uring kinabibilangan nila. Sinasalamin nito ang kabalintunaan sa pagdurusa at kahirapan sa kabila ng pagiging anak ng kabyaw (gilingan ng tubo).
Wala siyang kilalang kislap kundi ang sa kampilan.
Walang ibang tinitingala kundi ang maputlang kara
Ng tukayong Katsila na Donya at Senyorang Asendera.
Pinagmamasdan ni Luisa ang gutay-gutay na baro
Ng amang manggagawang-bukid
At siya’y ginugupo ng panibugho
Na lumupig sa kanilang mga ninuno
Tinatanaw ni Luisa ang mga numero sa kalendaryo
At pinagtatangkaang takasan ang tiyak na patak
Ng musmos na gutom, musmos na kasawian
Kinakausap niya ang mga alagang kambing—
silang mga hayop na tampulan ng sisi
Na kung makapagsasalita lamang
Ay sasagot sa batang si Luisa
At magsasabi:
—Ang iyong karalitaan ay hindi mo kasalanan!
—Humayo tayo! Habulin kami at tumakbo!
—Habulin natin ang kasaysayan!
Madalas tinuturing na tampulan ng sisi o scapegoat ang mahihirap: kesyo tamad sila at ignorante, kaya hindi makaahon sa buhay. Pero tulad ng sinabi ng kanyang mga alaga, hindi kasalanan ng masa ang kanilang ipinagdurusa. Kasalanan ito ng sistemang hindi makatarungan, hindi makatao.
At dahil sa kwento ng kambing,
Mamamasdan ng batang si Luisa:
Ang mga taon ng pagkaalipin,
Mga dekada’t mga siglo ng walang humpay,
Walang patid na pyudal na pagpapasasa
Ng mga Panginoon ng Asyenda
Mga Panginoon ng Azukarera
Mga dayuhang panginoon ng Compania Tabacalera
Na nanatili sa Asyenda kahit na ang mga Isla
Ay hindi na kolonya ng kanilang lipi.
Ang lokal na panginoong Heneral de Gyera
Na taksil sa rebolusyon at tapat sa kanyang uri
Mga panginoon at Donya ng Azukarera sa Paniqui
Na kumulimbat sa pondo ng rebolusyonaryong hukbo.
Bahagi na ng kuwentong bayan ang tungkol sa di-umano’y pambubulsa ng ilang miyembro ng grupo ni Aguinaldo sa kaban ng rebolusyon. Sa katunayan, galing din sa grupong ito ang unang pangkat ng mga lokal na pulitiko na pinahintulutan ng imperyalismong US na mag-organisa ng partidong pulitikal sa Pilipinas: ang Partido Federal na nangampanyang ikabit ang Pilipinas sa Estados Unidos bilang kolonya. Marami sa kanila ay nagmula sa uring nagtaksil sa rebolusyon.
Mga panginoong gobernador, kongresista, kinatawan ng asembliya, o senador
Sa basbas man ng Kano o ng Hapon—
Mga sipsip sa alinmang imperyalistang among!
Ang mga panginoon ng pinagsanib na asenderong angkan ng mga Cojuangco-Aquino
Ang mga panginoon na umangkin sa Azukarera’t Asyenda
Mula sa pabor ng padrino at pautang ng gobyerno
Upang umayon sa kota ng Estados Unidos ng Amerika
Mga panginoong Pangulo ng Republika ng Pilipinas,
Mga pangunahing burukrata kapitalista at papet ng imperyalista!
Malalaking burgesya kumprador na haligi ng buhong na neokolonya,
Mga panginoong pyudalista na patron ng huwad na reporma sa lupa!
Sa kaso ng Hacienda Luisita Massacre noong 2004, talagang kinasangkapan ng mga PML ang kapangyarihan nila sa reaksyunaryong gobyerno upang ipilit ang kanilang interes. Ayon sa organisasyon ng manggagawang bukid sa Hacienda Luisita, ang mismong mga Cojuangco-Aquino, na silang may-ari ng hasyenda, ang nagpadala ng militar sa Tarlac upang ligaligin at takutin ang mga tao na lumaban.
Dahil sa kwento ng kambing,
Mamamasdan ni Luisa
Ang mga taon ng pagkaalipin,
Mga dekada’t mga siglo
Ng walang puknat na panlilinlang
Walang habas na pamamaslang—
Mga tigil na sandali na natinag lamang at nabagbag,
Nang dahil sa pagkakaisa ng mga manggagawa’t magsasaka!
Nang dahil sa welga,
Nang dahil sa aklasan,
Dahil sa pag-aalsa, sa digmaan,
Sa rebolusyonaryong paglaban!
Ang mga kambing ni Luisa—
silang mga hayop na tampulan ng sisi
Ay hindi na niya hinahabol,
Sapagkat sila na mismo ang nagpapayo:
—Tanikala ng trahedya ay lagutin!
—Manindigan para sa anakpawis!
—Tugisin ang mga ganid, mga sakim na salarin!
—Magbalikwas nang sama-sama, kasaysayan ay likhain!
Halos lahat ng mga tula ni Kerima, lalo na yaong mga sinulat niya bilang kadre, ay nagwawakas sa palaban at puno ng pag-asang panawagan na isulong ang rebolusyon.
3. IMPERYALISMO
[Abangan]
Sanggunian:
After Luisita massacre, more killings linked to protest
Araling Aktibista
Artisanal and small-scale gold mining baseline report: Camarines Norte and South Cotabato
Aquino-Cojuangcos using military to harass Luisita farmworkers
Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino
Sa Aking Henerasyon: Mga Tula at Saling-tula ni Kerima Lorena Tariman (2022)
“Semi-feudalism in the Philippines: myth or reality?,” Jose Ma. Sison, sa Prospects of Agrarian Reform Under the New Order (1986)
“Talasalitaan,” NNARA-Youth UP Diliman Facebook Page
What is Hacienda Luisita? Massacre, case, history, owner
Leave a Reply